Testimonials(4)

Ang Aking Lakas ng Loob sa Panganganak kay Baby Gabe

Posted on Posted in Binhi Preparation, Birth, Blog

Good morning! Another day, another birth story to read. This time, it’s in Filipino. Let us all read Riah Talle’s tale of birthing her second child, Gabe.

 


Ang Aking Lakas ng Loob sa Panganganak kay Baby Gabe

By: Riah Talle

 

Ito ay pangalawang pagkakataon kong magsilang ng isang sanggol. Ako ay isang working mom at isang taon na kaming nagpa-plano ng asawa kong si Ryan na sundan ang aming panganay na si Nathan. Laking galak namin nang nalamang buntis akong muli.

Naging mahirap ang aking pagdadalang-tao. Marahil dahil nanibago ako sa tagal ng pagitan sa aking panganay na anak. Halos buong first trimester, ako nagsusuka pagdating sa trabaho at pag-uwi sa bahay. Naging maselan din ako sa aking pagkain kaya naramdaman ko rin na hindi masyadong malaki ang pagtaas ng aking timbang habang ako ay buntis.

Nakaranas din ako ng pagdurugo noong dalawang buwan pa lang ang tiyan ko. Nagkonsulta ako sa isang OB at ako ay pina-bedrest muna. Sa aking pang-anim na buwan, nalaman ko na may Binhi Childbirth Class ang Pinay Doulas Collective na pinangunahan ng aking doula na si Mommy Velvet Roxas. Ako ay sumali doon kasama ang aking mapagmahal na byenan na si Nanay Rich. Gusto ko ring masigurado na kakayanin ko ang aking planong mag-gentle birth sa Shiphrah Bahay Paanakan.

 

Riah class

 

Determinado ako na mag-natural birth dahil sa aking hindi magandang karanasan sa panganganak sa FEU Hospital. Labingpitong (17) oras akong naglabor na nakahiga at naka-dextrose pagkapasok ko ng ospital kahit 1 cm pa lamang ako noon. Limang (5) beses binigyan ng anesthesia at tinahi ako hanggang puwet.

Labis na paghihirap ang naranasan ko noon. Wala nang hihigit pa sa sakit at hinagpis na naranasan ko sa aking unang panganganak. Naging panata ko sa sarili ko na, “Never again!” Hindi na muling mangyayari iyon sa akin. Mas pipiliin ko ang natural na sakit at hilab kaysa artipisyal na sakit mapabilis lamang ang panganganak ko.

Sa sobrang abala ko sa trabaho, 37 weeks na ang tiyan ko bago ako nagkaroon ng pagkakataon na makapagpa-check up at marehistro sa bahay paanakan. Muntik na akong hindi tanggapin dahil sa sobrang huli na ako sa pagpapa-check-up. Kailangan kasi na pumunta sa Shiphrah Bahay Paanakan bago pa man mag-32 weeks para tanggapin. Mabuti na lamang na kilala nila ang aking pinag-volunteer non-government organization at ang aking doula.

Linggu-linggo nagpupunta ako sa Shiphrah at nakilala ko ang mga mababait na midwife doon. Bagamat malayo ito sa aking bahay at dalawang oras ako sa daan papunta ng Shiphrah, desidido pa rin ako manganak doon. Nag-tiyaga kaming magpunta dahil alam kong magbubunga ito ng maganda sa akin at sa sanggol sa aking sinapupunan.

***Ang lahat ng mga litrato sa panganganak ay mula sa Isabell Steinert Photography.

At dumating na nga ang pinakahihinay naming araw.

August 16, 2015 – Alas tres ng hapon, nag-maternity pictorial pa kami na ginanap sa aming bahay. Mga alas siyete ng gabi, may nararamdaman na akong hilab sa aking tiyan. Kaya minabuti kong tapusin na ang aming pictorial. Tumawag na ako sa aking doula para ipaalam ang aking kundisyon. Mga alas nuebe ng gabi, nagpasiya na kaming umalis ng bahay at pumunta na sa Shiphrah. Dumaan kami kay Mommy Velvet para sunduin siya at sabay na kaming pumunta sa bahay paanakan. Alas onse na ng gabi ng kami ay nakarating sa Shiphrah na may ngiti pa sa aking mga labi.

WEB_IsabellSteinert_2

 

Pagdating namin doon agad akong binigyan ng internal exam. Ako ay 4 cm pa lang. Habang nandoon kami ang aking doula at byenan ay tinutulungan akong mapadali at mapabilis ang aking labor. Minamasahe at pinundot ni Nanay Rich ang mga accupoints sa aking paa at kamay. Ang aking doula naman ay naging gabay ko sa pag-ikot ikot sa labas ng Shiprah. Siya rin ang naging kasayaw ko sa ilalim ng buwan. Ito pala ang pakiramdam ng dancing for birth at active birth na sinasabi nila. Mas maluwag nga ang pakiramdam kumpara sa unang panganganak ko.

 

WEB_IsabellSteinert_1

 

Habang lumalalim ang gabi, lumalalim din ang sakit ng aking balakang. Kung anong sayaw, lakad, masahe at ikot ang aming ginagawa para mabawasan ang sakit na aking nararanasan. Ang hilab na tiyan ko ay pabilis ng pabilis at ito ay mas humahaba, halos hindi na ako makausap dahil sa sakit.

Habang inaalalayan ako ni Ryan, pumutok ang aking panubigan at ako at napasigaw. Narinig ko ang aking doula at aking mga midwife na hinihikayat akong, “Kaya mo ito!” Nagpa-ire ako habang sinasayaw ako ng asawa ko.

WEB_IsabellSteinert_3

 

Ilang saglit lang at umupo na ako sa birthing stool at ang asawa ko naman ay umupo sa higaan at siya ang naging sandalan ko. Ilang saglit lamang at naisilang ko na si baby Gabe.

Sobrang sarap ng pakiramdam ng nakita ko ang orasan ay eksaktong 2:30 am lumabas ang aking mahal na bunso.

Riah UY

 

Ipinagmamalaki ko na kung sa una ay labinputong oras akong nag-labor, ngayon ay naging tatlo’t kalahating oras lamang. Kung sa unang panganganak ko, ang laki ng punit ko sa puwerta, kay baby Gabe wala akong ni isang punit o tahi.

Nagbunga ang aking tiyaga at lakas ng loob.

Leave a Comments