Testimonials(9)

Sa Gitna ng Kaguluhan, May Musika

Posted on Posted in Blog

by Deo Briones

Babala: Mahaba.

Sa gitna ng kaguluhan at kumosyon, mayroong kapayapaan. May katahimikan. May musika. May buhay.

Yan ang nakita at naramdaman ko sa silid na iyon sa St. Luke’s Medical Center Quezon City delivery room. Noong una kong marinig ang palahaw ni Diwa. Nakalulunod. Nakaka-engganyo, nakatutuwa, puno ng saya at pag-asa. Nakakapanabik at isang maluwag at mahabang buntong hininga lamang ang aking nailabas. Gusto kong umiyak, gusto ko ring sumigaw, tumawa ng malakas, yung malutong, yung pang kontra bida. Gusto kong himatayin.

Pero siyempre gusto ko ring magpiktyur-piktyur at kailangan ko pang gupitin ang pusod na nagdudugtong kay Diwa (yung baby) at sa inunan (YUP! AKO YUN). Kasabay noon ay gusto ko ring masiguro na ligtas ang nagluwal, ang ina, si Juna. Maraming beses ko na inimagine at pinag-ensayuhan at inisip kung ano ang aking gagawin sa tagpong iyon. Pero sa huli, malambot pa rin ang aking tuhod. Parang bata, hindi ko pa rin alam ang gagawin at umasa pa rin ako sa mga taong nakapaligid sa amin. Salamat at buti na lang nandun sila.

Yan yung dulo. Hindi naman ako masyadong excited at yung dulo agad ang aking bungad. Dahil madalas kasi kwentong ina ang nababasa ko, wala pa akong nabasang kwentong ama. Ito yung kwento ko.

Nagsimula ang kwento bandang alas tres ng madaling araw. Ginising ako ni Juna at sinabing naglelabor na siya. EH DI SIYEMPRE NAG PANIC AKO!!!

Agad akong tumakbo palabas ng hindi nag bibihis, nakahubad at walang dalang kahit na ano. Nasa kanto na ako nung maalala ko na naiwan yung manganganak sa bahay. Kagaya ng madalas na mapanod sa pelikula.

Joke lang!

 

JunaDeo1

Natutunan ko sa Binhi Childbirth Class ng Pinay Doulas Collective na taliwas sa madalas natin mapanood sa TV, kahit gustuhin mong mag panik ay hindi mo magagawa. Dahil na rin daw sa ang paghilab ng tiyan ay hindi biglaan. Ito naman daw ay dahan- dahan hangang makarating sa rurok pagkatapos noon ay mawawala din. Ang labor ay maaaring magtagal ng higit sa bente kwatro oras. Marami pa akong maaaring gawin, maaari pa akong maligo (na hindi ko ginawa) maaari pa akong magluto ng almusal (na hindi ko din nagawa, hehehe!). Pero nagawa kong ipaalam sa mga kinauukulan ang nangyayari. Unang una na siyempre ang FB! Nakaligo pa ang buntis at naihanda ko pa ang mga dadalhin. Bago pa man sumapit ang araw na ‘yon nakahanda na ang labor bag, hospital bag, baby bag… Tsk tsk …. andaming bag! Mahirap na kumontra o magsalita baka mapaano ako. Hahaha!

5:30 umalis kami at dahil hindi naman kalayuan ang St. Lukes, 3o minutes lang nandun na kami. Dahil hindi naman ako nakapaghanda ng almusal at bilin na rin ng aming doula na si Doula Velvet, nakapag-drive thru pa kami at kumain sa parking lot. Yep! Parking lot sa tapat ng St. Luke’s.

Habang tumatakbo ang oras tuloy lang ang labor. Hindi naman sa buong panahon na iyon ay humihilab ang tiyan kaya nagagawa pa namin magkwentuhan. Tapos titigil lamang ang usapan dahil sasakit ang tiyan. Pagkawala ng sakit, tuloy ang buhay.

 

Bago mag-7 am pumasok na kami ng ospital.

Sa buong panahon na yon. hindi pa rin buo sa aking isip kung ano ang aking gagawin. Kaya naglitanya ako. Naglitanya ako ng mga kakainin namin pagkatapos ng lahat lahat na yon sa pagitan ng mga paghilab at pag ire.

Chocolate cake, boneless lechon belly (yung tig-200 kada 1/4 kilo sa SM The Block), kape, tiramisu, ice cream. KAPE! Frappe, kanin, Daloy’s Laing (0927-523-9963 para umorder – hindi kayo magsisisi), pizza, salad, dulce de leche, halo halo, ice cream cake… Hindi ko alam kung epektibo ba yung diskarte pero malamang epektib dahil nailuwal nga si Diwa, ang aking pangalawa ng hindi gumagamit ng pampamanhid (epidural) at mula sa CS na panganay, VBAC sa ikalawa. Maraming sakripisyo para magawa ang hindi ko mawaring trip. Isa na yung pagkain.

Yun lang ang nangyayari…. akala ko madali lang ang waiting time. Kwentuhan, then sasakit at tigil saglit then pag nawala tuloy ang buhay. SUS! Kayang-kaya! Kaya lang naisip ko gaano katagal kaming ganun? 2 days? 3 days?

Dumating ang aming doula, si Tita Velvet. Ewan ko ba! May ginamit na magic yata si Tita Velvet kay Juna at hindi na umubra ang mga pagkain kong litanya. Na-esclate ang contractions. Mas lumakas. Mas tumindi ang concentration ni Juna sa tuwing hihilab ang kanyang tiyan. Mas mahigpit na ang hawak niya sa aking kamay.

Six (6) cm pa daw kasi at makapal pa ang cervix, mataas pa daw ang bata. Anu eksakto ang ibig sabihin nun ewan ko, pero sa pag-unawa ko aabot kami ng ISANG BUWAN dun sa lagay na yun. Kulang pa ang mga contractions niya, hindi pa sapat. Kailangan lakasan ang pwersa. Kailangan ang isang daang porsyento at maging super saiyan si Juna. “Nakakangiti” pa daw kasi! MAGTATAGAL DAW KAMI pag ganun!!! ER MEY GERD!!! Yun ang kinakatakot ko! AYOKO Magtagal dun!
Deo and JunaMatapos ang moves ni Tita Velvet, hindi na nakakausap si Juna. Mula sa litanya ng pagkain kailangan ko na sabayan ang paghinga niya. Kagaya nga ng madalas sabihin sa birthing class ng Pinay Doulas Collective, ang contractions ay masakit pero hindi mo kailangan manahan sa sakit na iyon, sa halip gawin mo ang mga bagay na maglalayo sa iyong isip sa sakit. Sumayaw ka, kumanta, magdasal, mag-yoga, bahala ka.

Wala nga sigurong kapares ang sakit na iyon. Wala nga rin siguro akong magagawa. Tingin ko yun na ang pinaka magandang pagkakataon para himatayin, para excused na ako. Hindi ko alam kung nakakatulong ang pagpapaalala kay Juna na huminga ng malalim at sumabay sa kanya. Sabi naman ni Tita Velvet maganda daw yun! Ayus! Pwede pa akong wag himatayin. Pwede ko pa ipagpaliban ang fainting act sa stage 2 o siguro sa crowning or yung part na malapit na. Para hindi naman pangit tingnan.

Ang lakas na kakailanganin naming mag-asawa ay kukunin namin sa isa’t isa… pero kailangan namin ng gabay. Mas kalmadong pag-iisip at magpapaalala sa amin ng mga natutunan namin sa birthing class. Ang magtutulak sa amin na magpursige, ang aming doula na mayroon lamang dalawang kamay pero kayang kumuha ng picture, magbigay ng inumin, hawakan ang kamay ng nanganganak, coach, taga-saway sa akin…. hehehehe ng sabay sabay. Lalo na nung sumalampak ako sa sahig.

Dumating ang aming OB, ang napaka-supportive na si Dra. Menefrida Reyes. Nakatulong ang magic! From 6 cm naging 9 cm. 11:00 AM narinig ko na naman ang salitang “table” na tayo. Mula sa HRPU labor room, lumipat na ng delivery room.

Heto na! Nararamdaman ko na…. malapit na ang fainting act.

 

Deo and Juna

 

Sa totoo lang, hati ang aking isip sa maraming bagay. Gusto kong sa labas lang pero sa loob ng delivery room. Ayokong makita ang aktuwal na paglabas ng bata na gusto ko. At sa kabila ng libo-libong bagay na gusto ko gawin at ng mga kailangan gawin, mula sa pagbibilad kay Diwa sa arawan hangang sa bayarin, magpahangang sa anung eskwela sa college at kalokohan ang gagawin nila ng kuya nyang si Daloy pagdating ng araw. Ang tangi kong nagawa ay umupo sa bangkong inilaan yata para sa akin at panoorin ang nangyayari. AT iyon na lamang ang aking naalala sa mga sandaling iyon. Naghalo-halo ang antok, pagod, pag-aalala, pananabik, saya, ginhawa at marami pang iba.

At yun na nga… 11:54 AM March 8,, 2017, nagkataong International Women’s Day unang pumalahaw si Siklab Diwa sa silid na iyon. Kung hindi ako nagkakamali may trentang tao sa delivery room (ok, I’m exaggerating!) pero walang nagawa ang ingay nila para tabunan ang palahaw ng isang Siklab Diwa.

 

17505377_10155033507182348_7655411214417491307_o

 

Sa harap ko unti-unting nagkakulay ang sangol, na pakiwari ko naman ay siyang pagtakas ng aking kulay. Habang sisinghap-singhap at alumpihit niyang hinahanap ang bagay na magbibigay sa kanya ng buhay at lakas. Matapos ilabas at ibalot, hindi muna siya pinunasan sa halip ay ipinatong siya sa kanyang ina at hinayaan muna silang magkita. Ang magsasara ng ugnayan nilang dalawa habang buhay. Ang magiging armas niya laban sa mundong magulo. Napaka gandang tanawin. Sa gitna ng kaguluhan, ingay, mga makinaryang nagbibigay buhay, mga bakal na aparato, mga doktor at nurse, mayroong buhay, may katahimikan at kapayapaan. May musika.

Ito na ba yon? Pangalawang beses na nagluwal ang aking misis, ang una ay CS at sa isang kagyat lamang ay narinig ko na ang palahaw ng aking panganay. Pero iba pa rin nung ikalawa. Hindi ko pa rin maiwasang magtanong kung ITO NA BA IYON!? Dahil hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nakikita at naririnig.

17191391_10154972175777348_5647853744577071421_n

Isinilang si Diwa sa mismong araw kung saan ang buong mundo ay nagdiriwang ng araw ng mga kababaihan. Kakaibang kwento ang masilayan ang ibat ibang uri at landas na tinatahak ng isang babae. Ang pagluwal ng buhay na isa sa maraming kaganapan ng pagiging babae. Mga babaeng nabubuhay at nagsisilbing gabay para sa kanilang kapwa. Mga babaeng nagpaka dalubhasa sa kalusugan at siya ring naging gabay din ng iba pang kababaihan.

 

 

17212091_10154970291507348_4855336042132156167_o

 

Nais kong samantalahin ang pagkakataon na pasalamatan ang mga ginang na gumabay sa amin mula pa noong una. Ang aming mga nanay Tipin Tendor at Bernadette Bitangcor Orejola. Ang aming OB, Dra. Reyes sa pakikinig at pag unawa sa aming mga kakaibang hiling. Ang aming doula, si Tita Velvet at ang mga Ginang na naglalaan ng oras, panahon at atensyon at walang sawang nagbabahagi ng kaalaman nila sa iba pang mga ginang o binibini na nais iluwal ang kanilang mga supling sa paraang pinaka maganda at ligtas sa kanila. Nais kong pasalamatan ang Pinay Doulas Collective para sa mga pagkakataon na matutunan ang mga bagay na hindi kailanman pagdadaanan ng mga lalaki.

At kagaya ng inyong dalangin sa bawat pagtitipon: May your circle be open but never broken.

PS. Hindi ako hinimatay.

 

 

Leave a Comments